Pinag-iingat ang mga residente sa 106 barangay sa Cordillera Administrative Region (CAR) na natukoy na mataas ang panganib sa landslide at flash flood dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Cordillera sa posibleng pagguho ng lupa at pagbaha at hinimok ang mga lokal na pamahalaan na maging handa sa posibleng paglilikas ng mga residenteng nasa peligro.
Inatasan ni MGB-Cordillera Regional Director Socrates Gaerlan ang mga lokal na pamahalaan at disaster risk reduction councils na mahigpit na subaybayan ang mga lugar na nakararanas ng malakas na ulan, lalo na ang mga komunidad na malapit sa mga ilog.
Sa tala ng MGB, pinakamarami ang high-risk areas sa Kalinga na umabot sa 50, kabilang ang mga lugar sa Tabuk City, Pinukpuk at Rizal, partikular sa Barangay Liwan.
May 24 na landslide-prone areas naman sa Benguet, kabilang ang Atok, Bokod, Itogon, La Trinidad, Tublay at Baguio City.
Samantala, may 22 high-risk areas sa Ifugao, partikular sa Aguinaldo at Alfonso Lista; pito sa Mountain Province, sa Paracelis; at tatlo sa Apayao, sa Conner.
Inaasahang makapagtala ng 50 hanggang 200 millimeters na ulan sa ilang bahagi ng Cordillera sa loob ng susunod na pitong araw.














