-- Advertisements --

Umakyat na sa mahigit 1,000 katao ang nasawi bunsod ng matinding pagbaha at mudslide sa Nepal at Tibet, ayon sa ulat ng mga awtoridad habang patuloy ang rescue operations sa mga naitukoy na isolated communities.

Batay sa pinakahuling tala, hindi bababa sa 1,010 ang confirmed dead sa Nepal kung saan nasa 3,916 pa ang nawawala, habang kinumpirma naman ng Tsina na 16 ang nasawi at 546 ang missing sa kanilang panig.

Nagsimula ang trahedya noong nakaraang linggo matapos magkaroon ng glacial collapse sa Himalayas na nagdulot ng pagdaloy ng malaking volume ng yelo, bato, at tubig-baha patungo sa mga lambak.

Sa ginanap na briefing ng Foreign Ministry ng Nepal, inihayag ng tagapagsalita nito na bukod sa tumataas na bilang ng mga namatay at halos 4,000 pa ang nawawala, umabot na sa 11,800 katao ang matagumpay na na-rescue.

Upang makatulong sa pagkilala sa mga labi ng mga biktima, magpapadala ang Tsina at Singapore ng mga forensic experts, dagdag na DNA kits, at freezers.

Naiulat din ng Nepal Army na 23 indibidwal ang kanilang na-rescue gamit ang aerial assets, habang naglunsad ng joint search operations sa lalim na 50 hanggang 200 metro sa loob ng tatlong hydropower plants.

Samantala, nag-organisa ng memorial services ang mga emergency workers at residente sa Tibet upang ipagluksa ang mga namatay, habang nagpapadala rin ang pamahalaan ng China ng relief supplies, kabilang ang mga drone at water purification systems sa mga apektadong lugar sa hangganan ng Nepal.