-- Advertisements --

Naitala ngayon ng Department of Health (DOH) ang bagong 9,055 na karagdagang kaso ng COVID-19.

Ang naturang bilang ay mas mababa kumpara nitong nakalipas na Lunes dahil na rin sa mas mababang laboratory output.

Habang mayroong 12,134 na bagong gumaling at walang naitalang bagong pumanaw.

Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 3.9% (103,077) ang aktibong kaso, 94.6% (2,471,165) na ang gumaling, at 1.49% (38,828) ang namatay.

Mula noong nakalipas na taon nasa 2,613,070 na ang nahawa sa virus sa bansa.

Nilinaw naman ng DOH na lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 3, 2021 habang mayroong pitong laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 7 labs na ito ay humigit kumulang 1.9% sa lahat ng samples na naitest at 0.9% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” bahagi pa ng DOH advisory.

Sa kabila nang pagbagal nang hawaan sa virus ang ICU bed occupancy rates sa buong Pilipinas ay nasa 72%, samantalang sa NCR ay nasa 72% na ibig sabihin ay nasa high-risk warning sign pa rin.