Arestado ang siyam na Chinese nationals matapos na mapagalamang nagsimula ito ng isang illegal mining site sa bahagi ng Masbate.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nahuli ang suspek sa isang ikinasang joint law enforcement operation sa bayan ng Aroroy na siyang 40 kilometro ang layo mula sa police station.
Ikinasa ang naturang operasyon matapos na makatanggap ng reklamo ang PNP hinggil sa mga hindi mabuting epekto ng naturang iligal na pagmimina sa lugar sa inang kalikasan.
Nakuha naman sa mga suspek ang iba’t ibang klase ng kagamitan para sa pagmimina, anim na backhoes, limang dump trucks, isang trailer truck, dalawang loaders, generator set at iba pang kagamitan.
Sa ngayon ay inilipat na ang mga suspek sa Bureau of Immigration (BI) para isailalim sa documentation at profiling para sa mga kasong kahaharapin ng mga ito.