Reading Time: 1 minute

TACLOBAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring banggaan ng ng pampasaherong van at six-wheeler truck sa national highway ng Sitio Tab-ang, Brgy. District III, Babatngon, Leyte.

Ito ay matapos na bawian na rin ng buhay si Chino Bryan Becha, 18, isa sa mga pasahero ng van na una nang isinugod sa ospital matapos makapagtamo ng malubhang injury.

Ayon kay P/Lt. Melvin Ay-ay, officer-in-charge ng Babatngon Municipal Police Station, sa ngayon ay siyam na ang naitalang patay kung saan lahat ng mga ito ay pawang mga residente ng Talalora, Samar.

Patuloy namang ginagamot sa ospital ang mga sugatang biktima na sa ngayon ay nadagdagan na rin ang bilang na aabot na sa 14 kasama na ang driver ng van at truck.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, parehong mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan dahilan kaya nagbanggaan ang mga ito sa kurbadang parte ng kalsada.

Patuloy rin iniimbestigahan ng mga otoridad kung kumpleto at mayroong kaukulang mga dokumento ang naturang van na ayon din sa report ay overloaded dahil sa 18 mga pasahero nito nang mangyari ang insidente.

Bibiyahe sana papuntang Tacloban ang naturang utility van nang makabangaan nito ang nasabing truck.