-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY- Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang mag-live-in partner dahil sa pagkamatay ng kanilang siyam na buwang sanggol sa Sitio Pasil, Brgy. Kauswagan dito sa lungsod.

Kinilala ang mga ito na sina Bonifacio Endieres at Marilou Quibol, tubong taga-Kibawe, Bukidnon at pansamantalang naninirahan sa Cagayan de Oro.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Maj Ian Borinaga, hepe ng Carmen Police Station na batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, namatay umano ang bata noong Hulyo 18 matapos itong nilagnat.

Dahil sa matinding kahirapan, hindi na umano naisugod sa hospital ang bata at agad itong inilibing ng ama sa likod ng kanilang inuupahang bahay.

Kaninang umaga lamang itong nahukay ng pulisiya dahil sa impormasyong kanilang natanggap mula sa iilang residente ng nasabing lugar.

May paniniwala kasi ang ilang residente na buhay pa ang bata ng inilibing ito ng ama sa kadahilanan na doktor lamang ang makapag-deklara na itoy patay na.

Ayon kay Borinaga, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa kaso dahil may natanggap din silang report na sinasaktan umano ang sanggol ng sarili nitong ama na isang minero.

Nasa piitan na ngayon ang ama at ina ng batang biktima at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.