-- Advertisements --

Umabot na sa siyam na katao ang nasawi dahil sa leptospirosis sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Hunyo 18, 2026, ayon sa pinakahuling tala ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).

Batay sa datos ng QCESD, nakapagtala na rin ang lungsod ng kabuuang 66 kaso ng leptospirosis sa naturang panahon. Sa bilang na ito, 36 o 55 porsiyento ay mga indibidwal na nasa edad 31 taong gulang pataas.

Ipinakita rin sa report ng lungsod na mas maraming kalalakihan ang tinamaan ng sakit, na umabot sa 55 kaso o 83 porsiyento ng kabuuang bilang, habang 11 kaso o 17 porsiyento naman ang naitala sa mga kababaihan.

Ayon sa Department of Health, kabilang ang leptospirosis sa mga karaniwang sakit na tumataas ang kaso tuwing panahon ng tag-ulan.

Naihahawa ang sakit sa pamamagitan ng ihi ng mga infected na hayop gaya ng daga, baka, baboy, at aso. Kapag nahalo ang kontaminadong ihi sa tubig-baha, ilog, kanal, o lawa, maaaring makapasok ang bacteria sa katawan sa pamamagitan ng bibig, mata, o bukas na sugat.

Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang lagnat, pananakit ng katawan, rashes, at paninilaw ng balat at mata. Gayunpaman, may mga kaso ring walang malinaw na sintomas o tinatawag na asymptomatic.

Bilang pag-iingat, hinikayat ng QCESD ang publiko na iwasang lumusong, lumangoy, o magtampisaw sa tubig-baha hangga’t maaari.

Pinapayuhan din ang mga residente na gumamit ng proteksiyon kapag bumabaha tulad ng bota at guwantes kapag kinakailangang lumabas sa mga lugar na binaha.

Para naman sa mga hindi maiiwasang sumuong sa baha, inirerekomenda ng mga awtoridad na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center upang mabigyan ng angkop na gamot, kabilang ang doxycycline na ginagamit bilang panlaban sa leptospirosis.