-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasang maligo o maglaro sa baha dahil sa banta ng nakamamatay na leptospirosis, kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang rehiyon bunsod ng Habagat.

Ayon sa DOH, delikado ang tubig-baha dahil nakontamina ito ng ihi ng mga infected na hayop na nagdudulot ng impeksyon at iba pang waterborne diseases.

Matatandaang muling tumaas ang mga kaso ng leptospirosis sa bansa matapos ang sunod-sunod na pag-ulan at matinding pagbaha nitong mga nakalipas na linggo.

Upang matugunan ang sitwasyon, siniguro ng ahensya ang maayos na hospital referral system, sapat na supply ng mga gamot, at agarang atensyong medikal para sa mga pasyente.

Kabilang din sa mga mabilisang hakbang ng DOH ang pag-deploy ng karagdagang mga nurse, pati na ang pagtatayo ng mga tent at dagdag na cot beds sa mga ospital.

Sa kasalukuyan, activated na rin ang Leptospirosis Express Lanes sa 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Region I, II, III, at CAR para sa mas mabilis na pagtugon sa mga may sintomas.