-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Umaabot sa 9,000 health care workers sa Rehiyon 12 (Soccsksargen) ang itinuturing na ‘eligible’ para sa initial round ng pagbabakuna gamit ang Sinovac-manufactured CoronaVac vaccines na ibinigay ng China.

Ayon kay Department of Health (DOH) 12 health education and promotion officer Arjohn Gangoso, ang mga target na indibidwal ay pawang mga manggagawa ng 23 Covid-19 referral hospital sa rehiyon na tinukoy bilang mga prayoridad sa paglulunsad ng vaccination.

Dagdag ni Gangoso na hinihintay nila ang huling schedule ng delivery ng CoronaVac vaccines sa linggong kasalukuyan.

Ina-assess ng team mula sa DOH-12 ang kahandaan ng mga referral hospital sa pagsasagawa ng pagbabakuna, aniya.

Ang mga bakuna ay direktang ihahatid sa tanggapan ng DOH-12 sa Cotabato City, na mayroong standby cold storage facility, at ililipat sa mga lalawigan at lungsod bilang paghahanda sa kanilang pamamahagi sa Covid-19 referral hospital.

Kasama sa referral facilities ang private, local government-support pati na rin ang pinamamahalaan ng DOH.

Kasama dito ang Cotabato Regional Medical Center (CRMC) sa Cotabato City at ang Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat, Maguindanao.