Nasa isolation facilities na ang 82 personnel ng QCPD Station 3 na nagpositibo sa COVID-19 virus.
Ayon kay Quezon City Police District director B/Gen. Antonio Yarra, nagsagawa na rin ng disinfection sa buong ng Station 3 headquarters at ipinagbabawal muna ang mga bisita sa loob.
“Sila ngayon ay nasa quarantine facilities na at ‘yong the rest na nag-negative ay nag- o-observe ng self isolation sa office sa kanilang places of assignment at advise na mag-observe sa kanilang sarili for possible symptoms,” pahayag pa ni Gen. Yarra.
Sumailalim sa swab test ang 184 personnel ng Station 3 noong July 23, kahapon at kanina lumabas ang kanilang swab test result.
Ayon kay Yarra, nasa 94 tauhan ng Station 3 Talipapa station ang naka-duty noong Lunes para magbigay ng seguridad sa SONA ng Pangulong Duterte.
Karamihan sa mga ito ay nakatalaga bilang route security sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Sinimulan na rin ang contact tracing habang ang ibang mga pulis na nagnegatibo sa swab test ay tuloy pa rin ang kanilang duty.
Dagdag pa ni Yarra, 85 percent sa kabuuang police force ng QCPD ay bakunado na rin.
Wala pang impormasyon si Yarra kung Delta variant ang virus na tumama sa mga nagpositibong pulis.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Yarra ang publiko na iwasan na muna ang pagtungo sa Station 3, Talipapa Station.
Gayunpaman, sinabi ng Heneral sakaling kailangang magtungo sa istasyon inilipat muna nila ang kanilang information desk sa open space.