Ibinunyag ng Ibon Foundation na marami sa mga flood control project na nakalista sa ‘Sumbong sa Pangulo’ website ay nakalaan sa mga distritong kontrolado ng mga miyembro ng Lakas-CMD, ang partidong pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, halos sampung libo (10,000) ang nabilang na flood control atbpang public infra project na nakalista sa Sumbungan website, at ang mga ito ay nagkakahalaga ng P540 billion.
Lumalabas na P245 billion dito ang napunta sa mga distritong kinakatawan ng mga kongresistang miyembro ng naturang partydo, habang P38 billion naman ang napunta sa mga mambabatas na bahagi ng Partido Federal.
Sa mga distritong kinakatawan ng mga miyembro ng National Unity Party (NUP), umabot sa P87 billion ang pinagsama-samang naipon na pondo.
Umabot naman sa P79 billion ang napunta sa Nationalist People’s Coalition (NPC) at P50 billion ang naibigay sa Nacionalista Party.
Para sa Liberal Party lawmakers, nakakuha ang mga ito ng P16 billion.
Ayon pa kay Africa, ang P540 billion na halaga ng mga proyektong nakalista sa naturang website ay halos one-third ng P1.7 trillion na inilaan sa lahat ng mga flood control project mula 2018 hanggang 2025.
Pinuna rin ni Africa ang hindi paglalagay ng impormasyon ukol sa mga congressional district o mga mambabatas na may panukala sa mga naturang proyekto.
Aniya, ito ay nagiging sagabal sa pagpapanagot sa mga responsable sa mga proyektong pumalpak, ghost, at substandard.