Hindi naniniwala ang economic think-tank na Ibon Foundation na maibaba ng kasalukuyang administrasyon ang budget deficit ng halos apat na porsyento sa pagtatapos ng termino ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, mahihirapan ang kasalukuyang administrasyon na ibaba ang budget deficit dahil sa kasalukuyang focus ng pamahalaan.
Inihalimbawa ng ekonomista ang tuluyang pagbawas ng gobiyerno sa budget ng basic services para sa mga Pilipino habang binabawasan din ang kinukulektang buwis sa mga mayayaman. Ito ay sa gitna na rin ng aniya’y pamumudmod ng bilyon-bilyong pondo bilang ayuda.
Hangga’t ganito aniya ang umiiral na focus ng gobiyerno, posibleng magiging mas malaki ang magiging gastos ng gobiyerno kumpara sa pondo o makukulekta nitong pondo.
Isa ring palatandaan aniya ang tuloy-tuloy na pag-utang ng Pilipinas para matugunan ang pangangailangan nito.
Una nang tinatarget ng administrasyong Marcos na maibaba ang budget deficit hanggang 3.8% sa pagtatapos ng termino ng kasalukuyang pangulo.
Nangyayari ang budget deficit kung ang ginagastos na pondo ng gobiyerno ay mas mataas kumpara sa nakukulekta nitong revenue atbapang kita sa loob ng itinakdang panahon.