Kumpiyansa ang Commission on Elections (Comelec) na sakto lamang ang 800 na botante kada clustered precinct para sa 2022 national at local elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, kaya naman daw i-accomodate ng komisyon ang 800 na botante sa isang presinto sa kabila ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na posibleng magtagal pa hanggang sa halalan sa susunod na taon.
Kung maalala dati ay 1,000 ang botante kada clustered presincts pero dahil na rin sa COVID-19 pandemic ay binawasan ito para mapanatili pa rin ang minimum health protocols sa mga presinto gaya na lamang ng social distancing.
Una nang ipinanukala ni dating Comelec commissioner Luie Guia abg 500 hanggang 600 voters kada clustered precinct dahil na rin sa banta ng COVID-19 lalo na’t mayroong bagong variant, ang Omicron maging ang iba pang variant.
Pero sinabi ni Jimenez na sa availability ng mga vote counting machine (VCM) hanggang halalan ay puwede lamang ito para sa 800 botante kada presinto.
Kampante naman daw ang Comelec na “manageable” at “safe” ang 800 katao kada presinto dahil sa kabuuang bilang ay nasa 60 hanggang 70 percent lang naman ang boboto.
Una nang sinabi ni Jimenez na tuloy na tuloy at hindi maipagpapaliban ang halalan sa Mayo 9, 2022 kahit mayroong surge ng COVID-19 dahil handa dito ang Comelec.