Walo ang patay habang walo rin ang kumpirmadong sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang elf truck sa Pitogo, Zamboanga del Sur.

Sa report ng PNP Regional Office (PRO-9) binabaybay ng nasabing elf truck na may lamang malalaking troso ang kalsada sa bahagi ng Purok 1, Barangay Liguac nang mangyari ang aksidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang naturang truck na minamaneho ng isang Leolito Tam kaya’t nahulog ito sa bangin.

Tumilapon ang nasa 16 na pahinante nito na nagresulta sa pagkasawi ng walo at pagkasugat naman ng walong iba pa na isinugod sa Margosatubig Hospital.

Sumuko naman ang driver na si Tam na ngayon ay nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple physical injuries.