Inaasahan ang patuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa weather bulletin ng ahensya, sinabi nitong apektado ng ITCZ ang katimugang bahagi ng Mindanao na magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Davao Region, Soccsksargen, Surigao del Sur, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Samantala, magdadala rin ng kalat-kalat na pag-ulan ang easterlies sa mga lalawigan ng Aurora at Quezon sa Luzon.
Nagbabala din ang state weather bureau na ang katamtaman hanggang malalakas na buhos ng ulan ay maaaring magdulot ng flash flood at landslide sa mga apektadong lugar.
Samantala sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, makakaranas ng mga panaka-nakang pag-ulan bunsod ng easterlies.
Sa ibang banda, isang low pressure area (LPA) naman ang namataan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), na huling namataan sa 360 kilometro kanluran ng Bacnotan, La Union na asahang magiging bagyo sa susunod na 24 oras.