CAUAYAN CITY- Mayroong 8 paaralan sa Cauayan City ang irerekomendang maging pilot testing sa face to face learning.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Schools Division Supt. Dr. Alfredo Gumaru Jr. ng SDO Cauayan City na makikipagpulong sila sa pamunuan ng mga naturang paaralan upang plantsahin at maihanda silang maging pilot testing ng face to face learning.
Kabilang anya sa pagsasagawaan ng pilot testing sa face to face learning ang De Vera Elementary School na mayroong 120 enrollees; Villaflor Elementary School na may 83 enrollees; Diparicao Elementary School na may 80 enrollees; Maligaya Elementary School Annex na may 77 enrollees; Linglingay Elementary School na may 116 enrollees at Dianao Elementary School na may 105 enrollees.
Kabilang din ang dalawang National High School na Villa Concepcion National High School Rogus Extension at Linglingay National High School.
Sinabi pa ni Dr. Gumaru na ilan sa kinonsidera nila sa naging hakbang ng DepEd ay ang location ng mga paaralan na walang nagpositibo sa COVID-19.
Nakita rin nila na hindi na kailangan pang sumakay sa anumang uri ng sasakyan ang mga mag-aaral para pumasok sa paaralan.
Nakikipag-ugnayan na ang DepEd Cauayan City sa pamahalaang Lunsod, mga school heads at kukunin din ang kaisipan ng mga magulang ng mga bata ukol sa pagsasakatuparan ng face to face learning.