Umabot na sa walo ang naiulat na mga nasawi dahil sa epekto ng Habagat at mga nagdaang bagyong Luis at Maymay, ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa pinakahuling datos ng ahensya hanggang alas-6 ng gabi nitong Linggo, dalawang katao ang nasawi sa Rizal dahil sa rockslide; dalawa sa Batangas dahil sa pagkalunod at electrocution; dalawa sa Benguet dahil sa landslide; at dalawa sa La Union dahil sa landslide, electrocution, at pagkalunod.
Mayroon ding isang nawawala sa Batangas at pitong nasugatan sa Benguet dahil sa landslide at aksidente sa sasakyan.
Samantala, patuloy ang pagbaha sa ilang bahagi ng Ilocos Region, Central Luzon, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region, at CALABARZON dahil sa walang tigil na malakas na pag-ulan.
Sa Marikina, umabot na sa 2nd alarm ang Marikina River bago mag-alas-11 ng umaga kanina, dahilan upang lumikas ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog.
Mahigit 400 katao na ang sumilong sa evacuation center sa Concepcion Integrated School.
Ayon kay Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro, hindi umano gumana ang Tumana Pumping Station, kaya hindi agad nailabas patungo sa Pasig River ang tubig-baha.
Samantala, sa La Trinidad, Benguet, tuluyang gumuho at inanod ng tubig ang isang bahagi ng Beckel Road dahil sa soil erosion dulot ng malakas na ulan.
Sa kabuuan, sinabi ng NDRRMC na mahigit 124,000 pamilya na ang naapektuhan ng masamang panahon sa buong bansa.
Humigit-kumulang 2,500 pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation center, habang 170 bahay na ang napinsala. 13 sa mga ito ang tuluyang nawasak.
















