Aabot sa walong katao ang nasawi habang dalawa pa ang nawawala matapos matabunan ng landslide ang isang sakahan sa Sitio Fundao, Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani nitong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Malapatan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Incident Commander at Head Mark Christopher Quiño, sampung katao ang natabunan ng pagguho ng lupa.
Nangyari ang landslide sa isang sakahang nasa humigit-kumulang 500 metro ang layo mula sa mismong komunidad ng Sitio Fundao. Ayon sa MDRRMO, dalawang pamilya ang naninirahan sa lugar, kabilang ang limang matatanda, limang bata, at ilang senior citizen.
Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad upang mahanap ang dalawa pang nawawala. Gayunpaman, nahihirapan ang mga rescuers dahil maaari lamang marating ang lugar sa pamamagitan ng paglalakad.
Nakikipag-ugnayan na rin ang MDRRMO sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Bureau of Fire Protection para sa patuloy na operasyon sa lugar.
Samantala, umabot na sa 115 kabahayan mula sa dalawang barangay ang naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan at flash flood.
Inilikas na ang mga residente sa mga evacuation center, kung saan inaasahang mananatili sila habang hindi pa ligtas ang kanilang mga komunidad.
Nanawagan naman ang mga lokal na opisyal ng tulong, lalo na ng food packs at malinis na inuming tubig, dahil kontaminado na ang karamihan sa kanilang mga pinagkukunang tubig.
















