-- Advertisements --

Nababahala ngayon ang mga residente ng Barangay Buan sa bayan ng Panglima Sugala, Tawi-Tawi matapos mamataan ang isang malaking buwaya sa ilalim ng isang stilt house o bahay na nakatayo sa ibabaw ng tubig noong Sabado, Abril 4, 2026.

Sa isang video na ibinahagi online ng isang residente, makikita ang buwaya na lumilitaw sa tubig matapos tutukan ng flashlight. Ayon sa nag-upload, high tide umano noon kaya madaling nakita ang hayop sa ilalim ng bahay.

Pinaniniwalaang naghahanap ng makakain ang buwaya, partikular ng mga alagang manok sa lugar.

Agad naman itong umatras nang mapansin ang presensya ng mga taong nagtipon sa paligid.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kilala ang nasabing lugar bilang tirahan ng mga buwaya. Dahil dito, pinaalalahanan ang mga residente na iwasan ang paglangoy o paglalakad sa naturang lugar lalo na sa gabi.

Hinimok din ng mga awtoridad ang publiko na sundin ang mga babala at agad iulat ang anumang makitang buwaya sa kanilang lugar.

Samantala, muling pinaalalahanan ng mga opisyal na ang mga buwaya ay protektado sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act o Republic Act 9147, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pananakit o pagpatay sa mga ito.