-- Advertisements --

Umabot na sa hindi bababa sa 15 katao ang nasawi matapos ang magkahiwalay na pagguho ng lupa sa Sarangani at Lanao del Sur nitong Biyernes ng madaling araw, ayon sa mga lokal na awtoridad.

Sa Malapatan, Sarangani, umabot sa 10 ang bilang ng mga nasawi matapos matabunan ng lupa ang mga bahay sa Barangay Poblacion, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Batay sa ulat, nagmula sa dalawang pamilya ang mga nasawi, kabilang ang ilang bata. Isang 31-anyos na lalaki naman ang nailigtas mula sa guho at agad dinala sa ospital para sa pagpapagamot.

Ayon kay Malapatan Mayor Salway Sumbo Jr., isinagawa ang rescue operation bandang alas-6 ng umaga matapos iulat ng mga opisyal ng purok ang insidente. Sinabi rin ng alkalde na hindi umano gaanong malalim ang pagguho, ngunit hindi na nailigtas ang iba pang mga natabunan.

Sinusuri pa ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng pagguho, kabilang ang epekto ng magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Hunyo 8, 2026 na maaaring nagpahina sa lupa sa lugar.

Dahil sa insidente, plano ng pamahalaang panlalawigan na ilipat ang mga pamilyang naninirahan malapit sa lugar ng pagguho. Tinatayang nasa 115 pamilya mula sa dalawang barangay sa Malapatan ang naapektuhan ng matinding pag-ulan.

Samantala, sa Barangay Ngingir sa Calanogas, Lanao del Sur, lima naman ang nasawi habang anim pa ang nawawala matapos ang isa pang pagguho ng lupa.

Ayon sa Lanao del Sur Police Provincial Office (LDSPPO), dalawang katao rin ang nasugatan sa insidente na dulot umano ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan sa lugar.

Patuloy ang search and rescue operations para sa anim pang hinihinalang natabunan kasama ang kanilang mga bahay. Nahihirapan naman ang mga awtoridad na maabot ang apektadong lugar dahil hindi na madaanan ng mga sasakyan ang ilang bahagi ng kalsada.