Magdadala ng maulap na kalangitan, pag-ulan, at malalakas na hangin ang Typhoon Inday at habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Bagyong Inday sa layong 490 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 170 kilometro kada oras. Kumikilos ito sa direksyong pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Dahil dito nanailing nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal Number. 2 ang Batanes habang signal number 1 naman sa Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands; Apayao; hilagang-silangang bahagi ng Isabela; at hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Norte.
Nagbabala ang state weather bureau sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan, gayundin ang banta ng malalakas na hangin na maaaring magdulot ng bahagya hanggang katamtamang pinsala sa buhay ari-arian.
Samantala, makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Cavite at Batangas dahil sa pinalakas na Habagat.
Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibilities (PAR) ang bagyo ngayong Sabado ng umaga.















