GENERAL SANTOS CITY – Naging emosyonal ang mga naging tagpo kasabay ng isinagawang simpleng send-off ceremony sa walong frontliners sa GenSan International Airport.
Ang mga ito ay mga nurse ng isang ospital sa lungsod na kailangang ipadala sa Our Lady of Lourdes Hospital sa Santa Mesa, Manila.
Ang nasabing pagamutan ay designated referral facility ng Metro Pacific Hospitals group para labanan ang coronavirus outbreak. Isa itong private non-profit tertiary hospital na mayroong 230-bed capacity.
Ang mga frontliners na ito ay maituturing na modernong bayani ng karamihan sa mga residente sa lungsod lalong-lalo na ng kani-kanilang mga pamilya.
Sa kabila ng pangamba dulot ng coronavirus 2019 ay handang magbuwis ng kanilang buhay upang mailigtas ang mga kababayan kontra sa deadly virus.
Buo ang loob ng bawat isa sa kanila na binigyan naman ng garland bilang pagpupugay sa kanila na lumipad kahapon patungong Maynila sakay ng isang private plane.