Inaasahang isusumite ng Department of Finance (DOF) sa Kamara sa loob lamang ng 30 araw ang walong bago at aamyendahang panukala sa pagbubuwis, kabilang ang pagpataw ng global minimum tax sa mga malalaking multinational corporations na nag-o-operate sa bansa.
Sa isinagawang pagdinig ng House Legislative Energy Action and Development (LEAD), inihayag ni Finance Secretary Frederick Go na malapit nang matapos ng ahensya ang masusing pag-aaral sa mga naturang hakbang.
Pangunahing layunin nito na mapalakas ang revenue collection ng pamahalaan upang may magamit na pondo para sa iba’t ibang government programs.
Kabilang sa mga nakasalang na panukala ay ang pag-angkop sa inisyatiba ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD).
Layon nito na magtakda ng minimum na buwis para sa mga multinational corporations upang matiyak na nagbabayad ang mga ito ng tamang halaga sa gobyerno.
Bukod dito, tinitingnan din ng DOF ang pagpataw ng karagdagang excise taxes sa mga partikular na industriya na kasalukuyan nang pinapatawan ng buwis.
Sa kabila ng mga planong pagtataas at pagdaragdag ng buwis, nagbigay ng katiyakan si Go na hindi nito tatakutin o sasalantain ang pagpasok ng mga foreign direct investors sa Pilipinas.
Iginiit ng kalihim na mananatiling tax neutral ang polisiya para sa mga kumpanya at hindi magiging pabigat sa pagnenegosyo sa bansa.
Dagdag pa ng opisyal, karamihan sa walong pinag-aaralang hakbang ay nakatutok lamang sa pag-amyenda o pagsasaayos ng mga umiiral na polisiya upang mas maging epektibo ang pangongolekta ng buwis ng gobyerno.
Matapos ang 30 araw na pag-aaral, agad itong idudulog sa mga mambabatas upang maaksyunan.
















