MANILA – Aabot sa 7,469 na suspected adverse reactions o side effect ang naitala ng pamahalaan matapos ang higit dalawang linggo ng pagbabakuna ng Pilipinas laban sa COVID-19.
Batay sa datos ng Food and Drug Administration, as of March 17, mayroon nang 240,297 indibidwal na nabakunahan.
Ang 72,499 sa kanila ay tinurukan ng AstraZeneca vaccine.
Mula sa nasabing bilang, 3,769 ang nakaranas ng pinaghihinalaang side effect sa bakuna. Ang 3,715 ay non-serious events, habang 54 ang seryosong side effect.
Sa kabuuan, 5.19% ang adverse reaction rate ng British-Swedish vaccine.
Samantala, 167,798 naman ang bilang ng mga nabakunahan ng CoronaVac vaccine ng Sinovac.
Mula rito, 3,700 ang nai-report na kaso ng pinaghihinalaang side effect. Ang 3,616 ay non-serious, 83 ang seryosong side effect, at isa ang namatay.
Ang adverse reaction rate ng Sinovac vaccine ay nasa 2.21%.
Kung maaalala, iniulat ng Department of Health at FDA kahapon na isang healthcare worker na nabakunahan laban sa COVID-19 ang namatay.
“In this case it was assessed to be a death due to COVID-19. Knowing that a patient that has vaccinated can still get the COVID specially in the early part,” ani FDA director general Eric Domingo.
SERIOUS ADVERSE REACTIONS
Ayon kay Usec. Domingo, halos pareho lang ang mga nai-report na seryosong adverse reaction mula sa mga nabakunahan ng AstraZeneca at Sinovac.
Kabilang na rito ang “general symptoms” tulad ng pananakit sa bahagi ng katawan na tinurukan, sipon, paninikip ng dibdib, at pakiramdam ng pagka-pagod.
Pati na pagkahilo, sakit ng ulo, pangingisay, pagtaas ng blood pressure, pagdudumi, pagsusuka, at anxiety.
“When we say that a suspected adverse reaction is serious it must result to death or life-threatening situation, requires hospitalization, results in persistent or birth defect (for women), or a medical important reaction,” ani Domingo.
“One patient can have one or more symptoms.”
Malaking bilang ng mga naitalang suspected adverse reaction ang naitala sa National Capital Region.
“That’s because most of the vaccinations done in NCR.”
Samantala, sinabi rin ng FDA chief na walang dapat ikabahala ang publiko sa gitna ng mga napaulat na insidente ng “blood clotting” o pamumuo ng dugo sa mga nabakunahan ng AstraZeneca sa ibang bansa.
“Findings of the blood clotting events are similar to what would happen in a normal population without the vaccine or in populations vaccinated even with other brands.”
Ipinaalam na raw ng ahensya sa local distributor ng Sinovac ang insidente at sa tanggapan ng kompanya sa China.