TUGUEGARAO CITY- Patay ang isang batang lalaki habang sugatan ang isa pa nang masagasaan ng papa-andar na SUV, kaninang umaga sa Tuguegarao City.

Kinilala ang nasawing biktima na si John Rowell Eneri habang nagpapagaling na sa pagamutan si John Paul Calimag, kapwa 7-anyos at residente ng Barangay Tanza.

Ayon kay PLT Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao, hindi umano napansin ng suspek na si Ronald Narag, 40 anyos, opisyal ng Brgy. Manga, Penablanca ang dalawang bata na naglalaro sa harapan ng kanyang sasakyan.

Matapos paandarin ay hindi umano nito napansin na nasa 1st gear ang sasakyan kung kaya bigla itong tumakbo at nahagip ang dalawang bata.

Naipit sa pader ang batang nasawi na nagtamo ng pinsala sa ulo habang gasgas sa katawan ang tinamo ng kalaro nito.

-- Advertisement --

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injury.

Nabatid na pumasyal lamang ang suspek sa kanyang kumpare, na ama ng isang batang biktima.