Naabutan na ng gobyerno ng Pilipinas ng tulong pinansyal ang kabuuang 682 overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa labanan sa Israel.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nakatanggap ang mga OFW ng tulong pinansyal mula sa DMW Rapid Response Team (RRT) na naka-deploy sa naturang bansa mula pa noong Hulyo 7.
Dinalaw din ng response team kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) team at namahagi ng emergency relief at financial assistance para sa OFWs na nasa mga ospital, kabilang ang mga nasiraan ng bahay dahil sa mga pag-atake at nawalan ng trabaho.
Sa kabuuan, umaabot na sa 870 OFWs ang natulungan ng pamahalaan mula nang magsimula ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran.
Matatandaan, tumindi pa ang tensiyon sa Gitnang Silangang Rehiyon noong Hunyo 13 matapos maglunsad ng air strike ang Israel sa military at nuclear facilities ng Iran na kumitil sa mahigit 900 katao at ikinasugat ng mahigit 4,000 iba pa.
Nitong Linggo, kinumpirma din ng DMW na pumanaw na ang Pinay caregiver na si Leah Mosquera na sumailalim sa surgeries at nanatili sa intensive care unit (ICU) ng ilang linggo matapos magtamo ng matinding injuries sa missile strikes ng Iran sa Rehovot City sa Israel noong Hunyo 15.