Lumabas sa Pulse Asia survey na 66 percent ng mga Pilipino sa bansa ang nagnanais na ko-kontrolin ng kasalukuyang administrasyon at bigyan ng agarang atensiyon ang isyu may kaugnayan sa inflation.
Isinagawa ang survey mula Setyembre 17 hanggang 21 sa loob ng 1,200 adults. Maliban sa inflation, nais din nila na tugunan ng pamahalaan ang sahod ng mga manggawa na nasa 44 percent.
Pangatlo ang paggawa ng maraming trabaho na 35 percent at pagbabawas ng kahirapan na nasa 34 percent.
Ang iba pang national concerns na dapat tugunan ng bansa ay ang mga sumusunod:
Labanan ang graft at corruption (22%); paglaban sa kriminalidad (19%); pagtugon sa problema ng involuntary hunger (17%); pagpapatupad ng batas sa maimpluwensya o ordinaryong tao (12%); pagbibigay ng suporta sa mga micro, small at medium na negosyo (9%); pagpahinto sa pagkasira at pang-aabuso sa kapaligiran (9%); pagtataguyod ng kapayapaan sa bansa (8%); pagbabawas ng mga buwis na binayaran (7%); pagkontrol sa pagkalat ng pandemya ng COVID-19 (5%); pagtatanggol sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas laban sa mga dayuhan (5%); pagprotekta sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (4%) na naghahanda upang harapin ang anumang uri ng terorismo (2%) at iba pang alalahanin (0.2%).
Ang resulta ng survey ay inilabas isang araw lamang matapos naitala ang inflation ng bansa, o ang rate ng pagtaas ng presyo ng mga consumer goods at services, sa 6.9% noong Setyembre na mas mataas sa August inflation rate na 6.6%.