BACOLOD CITY – Nasa kustodiya na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang truck na may kargang halos 600 sako ng Vietnam rice na naharang ng mga otoridad sa Negros Occidental nitong weekends.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Coast Guard Station Negros Occidental head Lt. Commander Rockliff Buling, ang isang truck ay nahuli nitong Sabado ng gabi habang ang isa naman ay na-intercept kahapon ng umaga sa Escalante City port.
Ayon kay Buling, mayroong misdeclaration sa laman ng dalawang truck dahil idineklara itong feeds sa halip na bigas.
Mula sa Cebu ang mga cargo at ihahatid sana sa Lungsod ng Bacolod.
Ayon sa PCG commander, hihintayin nila ang report mula sa Bureau of Customs (BOC) kung may declaration ang mga cargo sa kanilang opisina.
Naka-hold muna sa Coast Guard substation sa Barcelona Port, Barangay Old Poblacion, Escalante City ang mga truck, kabilang na rin ang mga driver at pahinante nito habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Tiniyak naman ni Buling na naka-heightened alert ang PCG at binabantayan ang mga cargo na lulan ng mga barko upang mapigilan ang pagpasok ng kontrabando sa Negros Occidental.