NAGA CITY – Masuwerteng nakaligtas ang anim katao na sakay ng isang owner type jeep matapos na matangay ng malakas na agos ng tubig baha sa Camarines Sur.

Sa inilabas na impormasyon ng lokal na pamahalaan ng Iriga sa nasabing lalawigan, napag-alaman na nangyari ang insidente kaninang umaga lamang.

Ito marahil ay dulot ng pag-apaw ng tubig sa Spillway sa Waras River, San Jose ng naturang lungsod dahil na rin sa magdamag na pag-uulan.

Ayon pa dito, agad naman umanong naitawag ng mga sakay ng nasabing sasakyan sa Emergency Hotline ang insidente kung saan mabilis naman itong naaksyunan ng Iriga City Emergency Response Team.

Dahil dito, wala namang nasaktan sa pangyayari habang naisalba naman ang sasakyan sa pagkakalubog nito sa baha.

Sa ngayon, patuloy na nararanasan ang pag-uulan sa naturang lalawigan.