-- Advertisements --

Anim na lugar sa Visayas ang pinangalan ng Department of Health (DOH) bilang emerging hotspots dahil sa dahan-dahang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga lugar na ito.

Sa virtual presser ng DOH kanina, tinukoy ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang lalawigan ng Cebu, ang Cebu City, Ormoc City, Southern Leyte, Leyte at Samar.

Ayon sa opisyal, hindi pa naman ganon kataas ang mga kaso ng COVID-19 sa mga lugar na ‘yan pero agad nang umaksyo ang pamahalaan para maagapan ang posibleng paglala ng pagkalat ng sakit sa mga lugar na ito.

“Hindi pa ganon karami ang mga kaso sa mga nasabing lugar, ngunit nakikita na natin na mas mabilis nang tumataas kumpara sa ibang lugar.”

“Kaya naman agarang nagbigay ng tulong ang national government upang maagapan ang pagkalat ng virus. Tayo ay nagpadala ng mga kagamitan to ramp-up the capacity of Cebu province and required the strict implementation of our public health standards with the help of the local governments and the National Task Force in these emerging hot spots.”

Batay sa COVID-19 tracker ng DOH, as of June 23, nasa 4,160 ang mga kaso ng sakit sa Cebu City. 883 naman ang bilang sa natitirang bahagi ng Cebu.

Samantalang ang Eastern Visayas ay kabuuang 298 cases.