-- Advertisements --

Anim na nagpositibong pulis sa paggamit ng illegal na droga ang bumungad sa Pambansang Pulisya sa unang kalahati ng buwan ng Enero ng taong 2024.

Ito ang iniulat ni Philippine National Police chief PGen. Benjamin Acorda Jr. sa gitna ng puspusang internal cleansing na ginagawa sa buong hanay ng kapulisan.

Kasunod ito ng ikinasang random drug testing sa 4,613 na mga indibidwal na miyembro ng PNP mula noong Enero 1 hanggang Enero 18, 2024, na kinabibilangan ng nasa 4,517 uniform personnel, at 97 non-uniform personnel.

Ayon kay Acorda, mula sa anim na mga indibidwal na nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot maging sa confirmatory tests, lima dito ang nagmula sa National Capital Region Police Office, at isa naman ang nanggaling sa Eastern Visayas.

Kinabibilangan ang mga ito ng isang police staff master sergeant, isang police staff sergeant, isang police chief master sergeant, at tatlong patrolman na pawang agad na sinibak sa puwesto.

Giit ni Gen. Acorda, hinding-hindi niya kukunsintihin ang sinumang tiwaling miyembro sa Pambansang Pulisya.

Kasabay ng pagtiyak na mapapatawan ng kaukulang kaso ang mga pulis na masasangkot sa ganitong uri ng mga maling gawain.