Matagumpay na nakatawid sa Jordan ang anim na Pinoy mula sa Israel, sa gitna ng palitan ng missile ng Israel at Iran.
Batay sa report na inilabas ng Philippine Embassy sa Amman, ligtas na nakatawid ang mga ito habang tumatawid ng gabi mula sa Israel.
Kinabibilangan ito ng isang engineer na kinilalang si Edsel Sarquilla na unang nakatawid mula sa grupo. Sinundan siya ng apat na turista at kinalaunan ay isa pang mangagawa.
Malugod naman silang tinanggap ng embahada sa pangunguna ni Ambassador Wilfredo Santos atbpang embassy officials.
Sa inilabas na statement ng embahada, tiniyak nitong nananatili ang commitment nitong suportahan ang paglikas at pagtawid ng mga Pinoy mula sa Israel patungong Jordan hanggang sa tuluyang makabalik dito sa Pilipinas sa tulong na rin ng pamahalaan ng bansa.
Una rin itong nagsagawa ng ocular inspection sa Jordan border upang matukoy ang sitwasyon sa lugar na tatawirin ng mga Pinoy, kasama ang iba pang mamamayan na nagnanais makatakas sa kasalukuyang sitwasyon sa Israel.
Ayon naman sa Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, tinulungan nito ang mga Pinoy na tuluyang makalabas patungong Jordan at ibinigay ang lahat ng mga mahahalagang suporta upang ligtas silang makatawid sa border.