-- Advertisements --

Nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang ginagawang hot pursuit operation ng kasundaluhan laban sa mga natitira pang mga suspek sa likod ng madugong bombing incident sa Mindanao State University sa Marawi City.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa Camp Aguinaldo, Quezon City,

Kasunod ito ng kamakailan lang na pagkaka-nutralisa sa siyam na mga miyembro ng Dawlah Islamiya sa isang engkwentro laban sa mga tropa ng militar sa Lanao del Sur.

Sabi ni Col. Padilla, mula sa 15 suspek sa nasabing krimen, siyam dito ang tuluyan nang nakuha ng kasundaluhan habang mayroon pang 6 na mga indibidwal ang patuloy pa ring tinutugis hanggang sa ngayon ng mga tropa.

Kasabay nito ay ipinaliwanag naman ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na sa kabuuan ay mayroong apat na core groups ng Dawlah Islamiya ang sangkot sa pangbobomba sa MSU at isa na nga rito ay ang grupong pinamumunuan ni Saumay Saiden a.k.a. Abu Omar na napatay sa pakikipagsagupaan sa Lanao del Sur.

Samantala, kaugnay nito ay idinagdag pa ni Col. Trinidad na kasalukuyan nang may nagaganap na efforts ang mga tropa on the ground upang tuluyan nang matuldukan ang terorismo sa buong Pilipinas.