Nanawagan ang pamunuan ng PNP sa biktima ng anim na pulis Caloocan na sangkot sa pagnanakaw na makipag-cooperate ng husto sa mga otoridad.
Ang panawagan ay ginawa ni PNP Public Affairs Office chief B/Gen. Roderick Augustus Alba.
Sinabi ni Alba, nasa restrictive custody na ngayon ang anim na pulis at iniimbestigahan na ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na pawang mga miyembro ng Caloocan Drug Enforcement Unit.
Sa ngayon, nangangalap pa ng ebidensya ang IAS para malaman ang katotohanan sa insidente at para matukoy kung may pananagutan ang mga pulis.
Una nang sinibak sa pwesto ang aturang mga pulis para bigyang daan ang isang impartial na imbestigasyon sa kaso.
Matatandaang nakunan ng CCTV ang insidente kung saan akusado ang mga pulis ng pagnanakaw ng P14,000 sa biktimang si Eddie Yuson noong March 27, 2022.
Nagsasagawa umano ng anti-illegal drug operation ang mga pulis nang mangyari ang insidente.
Kinilala ang mga suspek na sina PCpl Noel Espejo Sison, PCpl Rommel Toribio, PCpl Ryan Sammy Gomez Mateo, PCpl Jake Barcenilla Rosima, PCpl Mark Christian Abarca Cabanilla, 31 at PCpl Daryl Calija Sablay.
Inatasan na rin ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos si NCRPO vhief M/Gen. Felipe Natividad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente.