-- Advertisements --

Ginawaran ng special promotion ang anim na Pulis Caloocan na nakapag ligtas sa buhay ng anim na kabataan na hinostage noong December 2016.

Isang Resolusyon ang inilabas ni NAPOLCOM Vice Chairman Atty. Rogelio Casurao na nag-aapruba sa promotion ng mga nasabing pulis.

Itataas ng isang ranggo ang mga sumusunod na mga pulis: PMSgt. Marlon Gelua; PCpl. Ernesto Albero; PCpl. Ferdinand Balanay; PCpl. Ruel Damona, Pat. Joseph Johnson Castillo at Pat. Esmail Sibayan na naka-assign sa Police Community Precint 6.

Ang promotion ng anim na pulis Caloocan ay batay sa naging rekomendasyon ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde.

Ayon naman kay Atty. Casurao, ang ipinakitang tapang at lakas ng loob ng mga Pulis ay nararapat lamang bigyang pagkilala dahil sa ipinakita nilang katapatan sa pagganap sa tungkulin kahit pa ang buhay nila ang maging kapalit.

Naganap ang hostage taking nuong December 8,2016 nang rumesponde ang nasabing mga Pulis sa Sto. Tomas Village sa bahagi ng Deparo, Caloocan North dahil sa pag-aamok at pamamaril ng isang lalaking nakilala sa alyas na Toto.

Dpon, nakabarilan ng mga Pulis ang dalawa pang salarin subalit nabatid na may anim na kabataan ang ginawang hostage kaya’t agad nagkasa ang mga ito ng negosasyon na naging ugat naman ng engkuwentro dahil sa paghagis ng tear gas ng mga salarin.

Nagresulta naman ito sa pagkasawi ng apat na suspek at pagkakasabat ng iba’t ibang armas, bala, parte ng bala, iligal na droga gayundin ang ilang mga drug paraphernalia.