Makakatanggap ng hiwalay na $500-milyon ang Pilipinas mula sa World Bank matapos aprubahan ng tanggapan ang utang ng bansa para sa ilalaang pondo pangtustos sa lawak ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa isang statement, kinumpirma ng opisina ang approval nito sa naturang loan na gagamitin din daw ng estado na pantulong sa mga maliliit na negosyong pinabagsak ng coronavirus infection.
Ang bagong loan na ito ng gobyerno ay sakop ng Philippines Emergency COVID-19 Response Development Policy Loan.
Hanggang 29-taon ang dapat na palugit sa Pilipinas para bayaran ito, pero iniklian ng World Bank nang hanggang sa loob ng 10 at kalahating taon lang.
“This new financing can help with the delivery of financial support for struggling families and communities while the country is ramping up efforts to contain the pandemic and reduce its economic impact,” ani Achim Fock, acting country director ng World Bank sa Pilipinas.
Kung maaalala, umutang din ang bansa sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon noong nakaraang buwan.
Ang isa ay nagkakahalaga ng $500-milyon para sa disaster risk management programs, habang ang isa ay $100-milyong halaga ng loan para sa pangangailangan ng healthcare system.
Umaasa ang World Bank na gagamitin ng estado ang bagong set ng loan bilang subsidy sa 18-milyong mahihirap na pamilya na tinamaan ng krisis dulot ng pandemic.
Inaasahan ding susuportahan nito ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at non-beneficiaries.