LAOAG CITY – Patay lahat ang limang nakasakay sa isang tricycle matapos araruhin ng isang kotse sa Barangay 7 Sucsuquen sa bayan ng Piddig.
Kinilala ni Police Lt. Rudy James Jacalne, ang chief of police ng PNP-Piddig ang biktimang driver na si Edward Rumbaoa Burgos, 41, at ang kanyang dalawang biyenan, at ang anak na 17-anyos at isang pitong taong gulang, habang ang driver ay si Jonathan Pacaro, 28, na residente sa bayan ng Vintar.
Sa imbestigasyon, lumalabas na pauwi na ang mga biktima galing sa lamay sa Barangay Calambeg sa nasabi ring bayan ngunit nang nasa Barangay Sucsuquen na sila ay binangga umano ng kotse.
Nag-overtake aniya ang kotse na mabilis ang takbo sa kasunod nitong Innova ngunit nakasalubong naman ang tricycle ng mga biktima.
Mula umano sa parte kung saan binangga ng kotse ang tricycle ay dumiretso pa hanggang 60 meters kung saan tumilapon ang mga biktima.
Dead on the spot ang driver at dalawang biyenan nito habang ang dalawang menor de edad ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
Nabatid na ang driver ng kotse ay maghapon umanong naglasing at kagabi ay pumunta sa lungsod ng Laoag at pauwi na rin nang mangyari ang insidente.
Lumalabas na na plano umano ng driver ng kotse na tumakas ngunit sumuko rin sa kakilalang pulis na nagresponde.
Nahaharap naman ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property at paglabag sa Republic Act 10586 o Driving Act of 2013.
Samantala, hindi rin lubos akalain ni Mrs. Zenalyn Balino Burgos, asawa ng biktima driver na ganito ang mangyayari sa kanyang pamilya.
Sinabi nito na hindi na nito alam ang gagawin dahil biglaan ang pangyayari lalo’t sabay-sabay na lima ang nawala sa kanya ay umaasang makakamit ang hustisya.