LA UNION – Isinugod sa ospital ang limang pulis na nasugatan matapos bumaliktad ang sinasakyan nilang police patrol sa kalsada sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Nagyubuyuban, lungsod ng San Fernando, La Union.

Kabilang sa mga sugatang pulis na pawang kawani ng San Fernando City Police Office na nakasakay ng Mahindra patrol jeep ay sina P/Cpt. Melanie Lobusta, P/MSgt. Glenn Tavares, P/Cpl. Jenny Manzano, Pat. Delfin Bio, at Pat. Jenny Agsaulio.

Patungo sana sa Nagyubuyuban Elementary School ang mga nasabing pulis upang makibahagi sa Brigada Eskwela nang mangyari ang aksidente.

Pumalya umano ang preno ng sasakyan kaya hindi na nakontrol ni Bio ang pagmamaneho nito habang pababa ng bundok.

Dahil dito ay dalawang beses umano na nagpagulung-gulong sa kalsada ang patrol jeep ng mga pulis.

Samantala, kinumpirma naman ng hepe ng San Fernando City Police Office na si P/Lt. Col. Arbel Mercullo na nasa mabuti nang kalagayan lahat ng mga nabanggit na tauhan nito.