-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Inaasikaso na ng pamilya ang libing ng limang buwang sanggol na natangay sa ilog kasabay ng malawakang pagbaha sa Lungsod ng Bacolod kahapon.

Pasado alas-6:00 kaninang umaga, natagpuan ng isang mangingisda ang bangkay ng biktimang si Jake Lawrence Portogo sa baybayin na sakop ng Purok Malipayon, Barangay 35 nitong lungsod.

Ang sanggol ay iniiwan ng kanyang mga magulang sa kanyang tiyahin sa Purok Malinong, Barangay Taculing tuwing umaga, dahil kapwa nagtratrabaho ang mga ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa nagbabantay sa sanggol na si Clarissa Cañete, nawasak ang kanilang bahay matapos tamaan ng gumuhong pader ng isang bakeshop dakong alas-4:00 ng hapon.

Dahil nasa pangpang ng Ngalan River ang bahay ng mga Cañete, mabilis na tinangay ng malakas na agos ng tubig ang sanggol na nagkataong natutulog sa duyan at hindi na naisalba ng kanyang mga kaanak.

Hindi naman matanggap ng mag-asawang Janel Bulak at Lorenie Portogo ang nangyari sa kanilang panganay dahil pauwi na sana ang 23-anyos na misis nang mangyari ang trahedya, habang nasa duty naman sa fastfood chain ang 21-anyos na mister.