Nakilala na ang limang miyembro ng pamilya na pinatay sa nangyaring masaker sa San Jose del Monte, Bulacan na nadiskubre kaninang alas-9:45 ng umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina Auring Dizon, nasa legal age; Estrella Dizon, 35; Donny Dizon, 11; Ella Dizon, 7; at isang taong gulang na si Dexter Carlos Dizon Jr .

Gayunman hindi pa nakikilala ang mga suspek na nasa likod nang pamamaslang.

Batay sa impormasyon mula sa San Jose del Monte City Police Station, naganap ang insidente sa may Block 1, Lot 8, North Ridge Royal Subdivision, Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bulacan-Philippine National Police at sa kuwento ng security guard na asawa ng biktimang si Estrella na si Dexter Carlos Dizon Sr, dumating siya bandang alas-8:45 kaninang umaga at napansin niya na walang tumugon sa kaniyang.

Dito na niya inakyat ang kanilang steel gate at tumambad ang kaniyang mother-in-law na nakabulagta sa sahig at wala ng buhay.

Nakita rin niya ang kaniyang misis na nakahandusay sa sahig na wala na ring buhay sa labas ng kanilang bahay na hubo’t hubad at may mga saksak sa katawan.

Tadtad din ng saksak ang tatlo nitong anak at ini-lock sa isang kuwarto.

Patuloy pa ngayon ang ginagawang imbestigasyon at pagtunton ng mga otoridad sa mga nasa likod sa naturang karumal-dumal na krimen.