Nanindigan si National Food Authority Administrator (NFA) Larry Lacson na walang bahid-pulitika ang ibinebentang P20 bigas sa publiko.
Ayon kay Lacson, ang pagpapalabas ng bigas na ibinebenta sa presyong P20 kada kilo ay matagal na pinagplanuhan at maingat na pinaglaanan ng pondo at malaking bulto ng bigas na maaaring ibenta sa mababang presyo.
Sa katunayan aniya, nitong nakalipas na taon pa ito sinimulang pinagplanuhan at sa loob ng mahabang panahon ay kinailangang isapinal ang plano at proyekto upang maging maayos ang implementasyon nito.
Hindi aniya ikinunsidera ang usapin ng pilitika sa paglulunsad ng programa, bagkus tinitingnan lamang dito ang benepisyong makukuha ng mga benepisyaryo na kwalipikadong bumili nito.
Sa kasalukuyan, ibinebenta na ang P20 rice sa kabuuang 32 Kadiwa center sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas tulad ng Cebu, Cavite, Bulacan, atbpa.
Batay sa naunang feedback ng mga consumer na nakaranas nang bumili nito, maganda ang kalidad ng mga nabibili nilang bigas at halos katulad din ng mga commercial rice na ibinebenta sa merkado.
Una nang sinabi ng administrasyong Marcos na palalawakin pa ang maaabot ng naturang programa, upang mas marami ang maabot at matugunan ang mataas na presyo ng bigas.
Sa kasalukuyan, ang isang benepisyaryo ay maaaring makabili ng hanggang 30 kilos ng naturang bigas kada buwan.