-- Advertisements --

Pormal na inirekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Philippine Competition Commission (PCC) ang dalawang kaso ng bid manipulation at bid rigging para sa imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.

Kabilang sa unang kaso ang Wawao Builders, IM Construction Corporation, SYMS Construction Trading, St. Timothy Construction Corporation, at ilang opisyal ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office na sangkot umano sa iregularidad sa mga flood control projects.

Sa ikalawang kaso, iniugnay naman ang Sunwest, Inc. at mga opisyal ng DPWH Regional Office IV-B dahil sa pagpapatuloy ng mga proyekto sa Oriental Mindoro sa kabila ng nakitang anomalya.

Ayon kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe, batay sa mga ebidensya mula sa mga pagdinig sa Senado at Kamara, at sa ulat ng COA at DPWH, may nakita silang “red flags” sa proseso ng bidding ngunit nanalo pa rin ang parehong kontratista. Tinatayang aabot sa ₱2.3 bilyon ang posibleng multa sa limang kontratista kung mapapatunayang nagkasala.