-- Advertisements --
sexonline

Arestado ang limang indibidwal na sangkot sa child pornography at sexual trafficking sa ikinasang operasyon ng mga pulis sa Surigao del Sur.

Ayon kay PNP (Philippine National Police) Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, na-rescue sa operasyon ang 13 menor de edad at dalawang indibidwal na biktima ng exploitation and trafficking.

Nakatanggap aniya sila ng impormasyon mula sa Australian Federal Police hinggil sa nasabing iligal na aktibidad kaya agad nagkasa ng entrapment operation ang mga agent mula sa Women and Children Protection Center, at Anti-Cybercrime Group, kasama ang mga operatiba ng Caraga Region Police, gayundin ng Department of Social Welfare and Development at ang Regional Inter-Agency Council Against Trafficking nitong Huwebes, August 20, laban sa mga suspek.

Ito’y sa dalawang lokasyon sa Bislig City, Surigao del Sur na siyang ginagamit bilang online sex shows kung saan mga bata ang ginagamit sa mga banyagang audience na may kapalit na bayad.

Sinabi ni Gamboa, sapat ang ebidensiya na nakuha ng PNP na magdidiin sa mga suspek sa kasong child exploitation and trafficking.

Kabilang sa naaresto ng mga otoridad ay mismong mga magulang ng mga biktimang bata.

Kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208, RA 9775 in relation to RA 10175 and RA 7610; at violation of RA 10364 or the Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ang kahaharapin ng mga suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng City Social Welfare and Development Office ng Bislig City ang mga menor de edad.

Habang nakakulong na sa Bislilg Municipal Police Station ang mga suspek.

Inihayag naman ni Gamboa na ang PNP at Australian Federal Police ay may malakas na working partnership laban sa child tracking and exploitation sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Child Center.