-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Isinailalim sa mandatory home quarantine ang limang medical emergency responders ng lokal na pamahalaan ng Kalibo, Aklan dahil sa 2019 coronavirus disease o COVID-19.

Ito ay matapos makasalamuha nila ang 51-anyos na cancer patient na nakapagbiyahe sa Metro Manila matapos na magpagamot sa Lung Center of the Philippines na isa sa mga ospital na dinadalhan ng mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Civil Defense Officer Terence June Toriano na itinago ng pamilya ng pasyente sa mga nagrespondeng miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO-Kalibo ang kanilang travel history.

Saka lamang umano nagsalita ang pamilya ng pasyente nang tanungin ang mga ito ng doctor sa Aklan provincial hospital na pinagdalhan sa pasyente.

Dagdag pa ni Toriano, ang lima nilang kasamahan ay nag-sign up bilang person under monitoring sa Municipal Health Office ng Kalibo at sumailalim sa home quarantine hanggang sa mabigyan ng clearance na ligtas nang makabalik sa trabaho.

Sa kasalukuyan, nananatiling COVID free ang Aklan, ngunit may 9 na naitalang persons under investigation (PUI) at umakyat na sa 2,347 ang persons under monitoring (PUM).