-- Advertisements --

Iginiit ng mga senador sa budget hearing ng Department of Works and Highways (DPWH) na dapat gawing prayoridad ng ahensya ang pagkuha ng mga Pilipinong empleyado imbes na mga Chinese workers.

Kaliwa’t kanan ang naging kwestyon ng mga senador sa DPWH ukol sa bilang ng mga Chinese workers na kinuha para sa ginagawang proyekto sa Maynila.

Base sa datos ng DPWH, 45 percent ng mga trabahador sa Binondo-Intramuros Bridge Project ay puro Chinese nationals habang 31 percent naman ng mg Chinese ang kinuha para sa Estrella-Pantaleon Bridge Project.

Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, kahit saang anggulo raw tingnan ay masyadong mataas ang 31 percent. Marami aniyang paraan ang ahensya na isulong ang local employment at hindi ang foreign employment.

Inilatag naman ni Sen. Sonny Angara ang probisyon sa Constitution kung saan nakasaad dito na ang mga professional vacancies, tulad ng engineers, architects at doktor, ay dapat ibigay sa mga Pilipino.

Pwede naman daw mag-bid ang mga foreign companies hinggil dito ngunit dapat ay ibigay pa rin nila ang posisyon sa mga Pilipino.

Sinagot naman ni DPWH Secretary Mark Villar ang bawat kwestyon ng mga senador. Aniya, ang pagkuha ng mga Chinese nationals ay nakapaloob sa kasunduan ng China at Pilipinas dahil karamihan umano ng mga proyekto sa bansa ay pinopondohan ng China.

Dagdag pa ni Villar, kailangan din ang mga foreign workers sa nasabing proyekto dahil isa sa mga job requirements nito ay ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa makina.