-- Advertisements --

Tinatayang aabot sa 400,000 pang inibidwal ang nakahabol sa extended voter’s registration para sa halalan sa susunod na taon, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.

Ang bilang na ito ay mas mataas ng 100,000 kumpara sa target na 300,000 additional registrants sa loob lamang ng extended registration period, na nagtapos kahapon, Okutubre 30.

Para sa Comelec, sinabi ni Jimenez na “generally successful” ang buong extended voter registration sapagkat “masyadong maraming dumating” para humabol sa pagpaparehistro.

Samantala, binigyan diin ng opisyal na hindi na magbibigay pa ulit ng isa pang extension ang Comelec para sa voters registration.

Dagdag pa niya, on track pa rin naman ang poll body sa kanilang schedule of activities para sa 2022 kahit pa pinalawig ang panahon para sa pagpaparehistro.

Magugunita na dapat noon pang Setyembre 30 ang pagtatapos ng registration period subalit nagdesisyon ang Comelec na palawigin ito mula Oktubre 11 hanggang 30 kasunod na rin nang apela ng publiko at pressure mula sa Kongreso.

Bago pa man pinalawig ang registration period, sinabi ng Comelec na mayroon nang 62 million registered voters.