-- Advertisements --

centinos

Mahigit 40,000 personnel ang ide-deploy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa buong bansa para tumulong sa pagbibigay seguridad sa araw ng halalan sa darating na Mayo 9, araw ng Lunes.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Ramon Zagala, ang deployment ng mahigit 40,000 sundalo sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ay para imonitor ang 14 na siyudad at 105 na bayan na tinukoy bilang “election areas of concern” at ang mga ito ay nasa “highest red category.”

Dagdag pa ni Zagala, na lahat ng area commands ay nagdagdag ng mga tropa pero ang bilang ay depende sa pangangailangan.

Naglabas na rin ng direktiba si AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino kung saan kanilang ia-adopt ang dalawang modes ng operasyon para sa nalalapit na halalan.

Ito ay ang election mode kung saan tutukan na ang lahat ng kanilang election duties, tasks at combat mode, na layuning ma-suppress ang lahat ng mga threat at lawless groups na posibleng maghasik ng karahasan sa araw ng halalan.

Pinaalalahan naman ni Col. Zagala ang lahat ng mga AFP personnel na manatiling non-partisan para mapanatili ang integridad at tiwala ng publiko sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Binigyang-diin ng opisyal na walang miyembro ng AFP ang puwedeng mag-engage sa anumang partisan political activity, dahil ang tanging karapatan ng mga sundalo ayon sa Konstitusyon ay bumoto.