-- Advertisements --

Nananatili pa ring hindi malinaw sa kasalukuyan kung tuluyang makakakuha ng sapat na suporta o 1/3 ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang verified impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.

Ito ang naging kasagutan ni House Justice Committee chair, Rep. Gerville Luistro, nang matanong kung susuportahan na sapat na bilang ng mga mambabatas ang reklamo laban sa bise presidente.

Marami pa aniyang maaaring magbago kapag iprepresenta na ito sa plenaryo ng Kamara, sa kabila ng suporta ng 53-0 na nakuha nitong suporta sa panel.

Maaari rin aniyang maapektuhan ang desisyon ng mga mambabatas dahil sa ilang usapin tulad ng nalalapit na 2028 national elections.

Maliban dito ay hindi rin umano pamilyar ang committee chair sa kasalukuyang paninindigan ng bawat lider ng mga political party na bumubuo sa 20th Congress, na mahalaga para sa paghubog ng suporta ng bawat miyembro nito.

Kung maabot man aniya ang 1/3 vote, makikita na lamang ito sa plenaryo, at sa mismong araw ng botohan.

Nang matanong si Luistro kung gaano kahaba ang panahon na ibibigay sa bawat miyembro ng Kamara para pag-aralan ang consolidated articles of impeachment, dapat aniyang mayroong ‘reasonable time’ ang bawat mambabatas para suriin ang mga reklamo.

Katwiran ng abogadong mambabatas, walang nakalagay sa Duterte vs House of Representatives na eksaktong bilang ng araw para pag-aralan ng bawat miyembro ang complaint mula sa transmittal ng docs sa House members patungo sa plenaryo.(report by Bombo Genesis)