-- Advertisements --

Siniguro ni Atty. Michael Poa na hinding-hindi magmumula sa pera ng mga taxpayer ang gagamiting pondo para sa pagharap ni Vice President Sara Duterte sa impeachment case laban sa kaniya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, nilinaw ng abogado na hindi pondo ng Office of the Vice President (OVP) o ng gobyerno ang ipinambabayad sa mga abogado ng Bise Presidente sa kanyang impeachment case.

Si Poa ay isa sa mga miyembro ng defense team ni Vice Pres. Sara Duterte

Katwiran ng abogado, batid ng pangalawang pangulo na ang impeachment case ay wala nang kaugnayan sa kaniyang opisina bilang bise presidente.

Ito aniya ay isang personal na kapasidad, kaya’t magmumula rin sa sariling pondo ni VP Sara ang gagamitin sa lahat ng magagastos tulad ng pasahod sa mga abogado, pangangalap ng mga dokumento, at iba pa.

Giit ni Atty Poa: “kung mayroon mang ibinabayad sa mga abogado ni VP Sara, galing ito sa kaniyang bulsa’, at hindi sa gobiyerno ng Pilipinas.”

Sa kasalukuyan, patuloy aniya ang preparasyon ng mga abogado ni VP Sara tulad ng paghahanda ng mga ito noon pang 2025 kung kailan unang na-impeach ang pangalawang pangulo sa Kamara.

Ang preparasyon ng mga abogado ngayong taon ay halos pareho lamang aniya sa mga paghahanda sa nakalipas na taon.