Opisyal nang nanumpa si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga bilang bagong miyembro ng PDP-Laban noong Abril 29, 2026, ayon sa hiwalay na social media posts ng partido at ng kongresista.
Si Barzaga ay dating kasapi ng National Unity Party (NUP). Ayon sa PDP-Laban, ganap siyang naging miyembro matapos makumpleto ang Basic Membership Seminar ng partido.
Ang kanyang paglipat sa partido ay naganap kasabay ng kinakaharap niyang mga isyu sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin, posibleng maharap si Barzaga sa expulsion dahil sa umano’y paulit-ulit na pagpapakita ng hindi magandang asal at bigong gampanan ang tungkulin bilang isang mambabatas.
Kasalukuyang may ilang reklamo laban sa kanya na nakabinbin sa House ethics panel.
Matatandaang nasuspinde si Barzaga ng 60 araw noong Disyembre ng nakaraang taon, walang sahod at benepisyo, dahil sa disorderly behavior kaugnay ng umano’y hindi angkop na social media posts.
Noong Pebrero naman, pinatawan siya ng karagdagang 60-araw na suspensyon ng Kamara dahil sa “utter contempt for institutional standards.”
Sa kabila nito, iginiit ni Barzaga na ang mga parusa laban sa kanya ay nagsisilbing distraction lamang mula sa mas malalaking isyu, partikular ang umano’y anomalya sa flood control projects.
“This is still pushing the issue away from the flood control mess… pati na rin ang rampant corruption sa gobyerno,” ani Barzaga.
Dagdag pa niya, wala siyang pinagsisisihan sa kanyang mga naging aksyon at naniniwala siyang dapat ding imbestigahan ang iba pang mambabatas kaugnay ng isyu.















